Uncategorized

PALIMOS NG ISANG ARAW NA KALIGAYAHAN

Sabi nila, kapag tumatanda raw, nagiging mas makabuluhan ang buhay. Oo naman. Saksi ako doon, kasama ng dalawang mata kong dilat na dilat sa katotohanan. Pero kakabit nun, ay sandamakmak ring kabulastugan na lalason sa iyong kaisipan. Maraming bagay sa mundo ang nakakatuwang pagmasdan, nakakagiliw, nakakamangha; pero kapalit nun ay problemang para bang ang hirap malusutan.

Tulad na lamang ang Internet. Nakakamanhang isipin na sa loob ng isang walang buhay na computer, ay may namumuhunang maligalig na mundo. Kaya nga ako nandito, at kaya ka rin nandito. Pero, sa kabila ng magagandang bagay na nakikita natin sa mundong tinawag na cyberspace, ay mga kapintasang babalik at babalik sa iyo. Kung minsan, sa kagustuhan natin matuto ng mga bagay na may kinalaman sa makabagong teknolohiya, nakakalimutan nating may iba pa tayong buhay maliban sa Internet. May iba na halos nakakalimutan nang kumain, maligo at magtoothbrush man lang kapalit ng ilang oras na pagbabad sa harap ng computer.

Katulad ko. Pinasok ko ang trabahong freelance writing sa kadahilanang, gusto kong pagsabayin ang bisyo at paghahanapbuhay. Hindi biro ang magsulat ng magsulat ng mga artikulong ibebenta sa mga Amerikano at pagkatapos ay hindi rin naman kikilalanin ang pawis na pinuhunan mo para dun. Kunswelo ko na lang yung may kinikita akong perang pangtustos sa pag-aaral ng kapatid ko. Natutuwa rin ako dahil marami akong natututunan sa trabaho ko.

Ang kapalit?

Kawalan ng realidad. Hindi naman talaga sa puntong wala na akong kamuwang-muwang sa tunay na mundo. Madalas sa minsan, hindi ko na nakakasama ang mga kaibigan ko. Habang sila ay nasa mall at naglalmiyerda, eto ako, nakaupo, tumitipa na parang wala nang bukas. Sabi ng bestfriend ko, masyado na akong na adik sa Internet, sabi pa niya “get a life”. Sagot ko naman, “Sa Internet, may pera”. Napangimi na lang siya, na animo’y nangungutya.

Nakakaramdam din ako ng pagod. Uhaw na rin ako sa totoong mundo. Naisip ko na rin maghanap ng ibang trabaho, yun bang hindi lang puro computer ang kaharap ko. Mula kasi nung nag-umpisa akong maghanapbuhay, computer na talaga ang naging mundo ko. Nariyang naging Medical/Legal transcriptionist ako, tapos ngayon web content writer naman. Nakakamis na rin ang lumabas kasama ng mga kaibigan. Sila kasi, alas tres pa lang ng hapon, tapos na sa trabaho nila, ako walang katapusan. Hangga’t may assignment, sulat lang ng sulat. Pero hindi rin naman ako perpekto, hindi ako superwoman, kung minsan tinatamaan ako ng katamaran, na dahilan kung bakit minsan nahuhuli ako sa pag sumite ng mga artikulo ko.

Oo masaya ako sa trabaho ko, pero sana, sana lang naman may mag magandang loob na magpahiram sa akin ng trabahong walang kinalaman sa teknolohiya, ikaliligaya ko yun ng sobra.

Palimos naman oh, kahit isang araw lang ng kaligayahan….

1 thought on “PALIMOS NG ISANG ARAW NA KALIGAYAHAN”

Show Me Some Love <3