$150 Dollars Sahod Sa Isang Buwan?

(Photo Credit: mommyoctopus.com)

Ayaw nila sa Pilipina dahil mahal daw ang sahod!

Ayaw nila sa Pilipina dahil malaki raw babayaran nila sa ahensya.

Ayaw nila sa Pilipina dahil marunong daw magbasa sa mga nakasaad na mga batas sa kontrata.

Ayaw nila sa Pilipina na katulong, pero panay naman ang reklamo sa ibang lahi na nakuha nila, na kesyo ganito at ganun.

Ano ba talaga ang gusto ng mga amo na ito?

Sa kalinisan at kasipagan talagang panalo ang mga inday na kasambahay kung trabahong bahay ang pag-uusapan. Hindi na sila mapa “Rasi Awarni” ( masakit ang ulo) sa pagtuturo sa gawaing bahay. Hindi na sila magkukunsumisyon para intindihin kung ano ang inuutos nila dahil  kahit baliktad ang english nila ay kaya naman na intindihin.

‘Ika nga, mas malawak ang common sense ng mga Pilipino, kaya kahit mahal ang babayaran nila sa pagkuha ng katulong na Pilipina, sulit naman ang serbisyo.

Pero sa ibang dako, may iba’t ibang kuwento na naibabahagi at naririnig ko sa ibang lahi gaya ng: Sri Lanka, Bangladesh at Etophia dito sa Lebanon. Mga kuwento ng pakikipagsapalaran na gaya nating mga Pilipino. Mas nakadudurog puso ang istorya nila!

Bihira lang sa kanila ang nakaintindi ng english o salitang arabic lalo pa’t baguhan sila bilang isang katulong. Sila yaong walang reklamo kahit maliit ang sahod na natatangap nila; ang mahalaga ay may trabaho sila, gaya natin, pero ang $150 dollars na tinatangap nila na sahod sa isang buwan ay kay liit para buhayin ang pamilya nila na naiwan sa bansa nila.

Katulad din natin may kanya-kanyang katangian at pag-uugali; may makakasundo, mayroon din na hindi mo makapalagayan ng loob.

‘Ika nga, nasa pakikisama at respeto sa kapwa ang pagkakaroon ng mabuting relasyon sa tahanan na parehong pinagserbisyuhan.

Gaya ni Lucky o Doydoy kung tawagin, isang Bangladesh na baguhan sa pagiging isang kasambahay. Nakipagsapalaran dito sa bansang Lebanon para sa dalawa niyang anak.

Katulad ng pangalan niya ay maswerte siya sa kanyang amo, dahil ito ay pihikan sa paglilinis. Dahil kung nagkataon na napunta sa isang bruhang amo si Lucky na takot madapuan ng mikrobyo ang bahay, tiyak na kawawa dahil wala talaga siyang kaalam-alam ni pagsalita o pag-intindi sa simpleng english o arabic na salita ay wala siyang alam.

Sumasahod siya ng $150 dollars na kakaltasan pa raw ng $10 dollars para pantawag sa pamilya niya. Kaya may $140 dollars siyang maipadadala para sa mga anak niya (nakalimutan kong itanong kung magkano sa Bangladesh ang $140 dollars; sa palagay ko hindi kalakihan).

Ang makita niya ang resibo ay isang kaligahayan sa mata niya na may makain ang dalawang anghel ng buhay niya. Handa raw siyang magtiis sa bawat subo ng kubos at itlog araw-araw, handa siyang matuto paisa-isa sa lenguahe ng kanyang mga amo para may maipadala siya buwan-buwan sa pamilya niya.

Katulad din ni Ana, isang 21 years old na Etophian na nakipagsapalaran bilang baguhan na kasambahay.

Kahit dalaga pa siya, may resposibilidad siya na ginagampanan para sa pamilya niya at ‘yan ay ang matustussan ang buwanang renta sa inupahang maliit na kuwarto na may maliit na kusina na tinirhan ng pamilya niya dahil, wala silang sariling bahay.

Sa sahod niya na $150 dollars bawasan pa ng $10 dollars na pantawag sa Etophia ay may $140 dollars din siyang maipadadala at naghahalaga sa bansa nila ng 2000 birr. Halos sapat lang ang sahod niya na pambayad sa upa ng tinirhan ng pamilya niya dahil 1500 birr ang upa sa isang buwan at pagkain pa! Mabuti na lang daw at masipag ang mama niya na maglako ng mga gulay gaya ng patatas, kamatis, at iba pang mga gulay. Kahit papaano ay may makukunan daw sa pang araw-araw na pagkain ng mga kapatid niya.

Gaya ni Lucky, handa niyang tiisin ang pagod kahit hindi na raw siya makapag-asawa para sa mga kapatid niya, handa niyang ipagpalit ang sarili niyang kaligayahan para sa $150 dollars na sahod niya sa isang buwan, dahil malaking tulong daw ito sa pamumuhay nila.

Sa kanilang mga kuwento ay masasabi kong hindi pala ako nag-iisa, pero kahit papaano’y mapalad pa rin tayo na mga Pilipino na may kalakihan ang sahod natin kahysa sa kanila bilang isang kasambahay. Mapalad pa rin tayo na nagkaroon ng mga amo na nakaiintindi at may ginintuang puso na nakauunawa na may mga pamilya tayo, na hindi natin kailangan na hintayin ang isang buwan para makausap, matawagan o ma-text sila dahil libre tayong gumamit ng cp o internet.

Magkaiba man ang numero ng dolyar na kinikita natin, magkaiba man ang lahi natin sa kanila, kagaya natin sila na may pusong nasasaktan, nagtitiis at nagsisikap para mabuhay sa bansa na pinagkaitan minsan ng pag-asa! Gaya natin todo kayod para may makain ang ating pamilya.

Maliit man o malaki ang sahod natin sa tahanang pinaglilingkuran nating mga inday, ang mahalaga ay tratuhin tayong tao at parte ng kanilang pamilya.

‘Yun ang pinakamahalaga, tama ba?

#BayaningTunay   #DFBloggerIntl    #DefinitelyFilipino  #DFBI  #BloggerJovelyn

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)