Margielyn Didal, nais pahintuin na sa trabaho ang ama

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 06:38 PM

MAYNILA -- Ibinahagi ng ina ng skateboarder na si Margielyn Didal ang naisin ng anak na pahintuin na sa pagtatrabaho ang kaniyang ama.

"Sabi niya 'yung papa niya patigilin na sa pagtrabaho kasi construction worker ang papa niya," ayon kay Julie Didal sa panayam sa DZMM Huwebes ng hapon.

Ayon kay Julie, nakapag-usap na sila ng kaniyang anak na makatatanggap ng aabot sa P6-milyon insentibo matapos na masungkit ang ikaapat ng gintong medalya para sa Pilipinas sa Asian Games.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Sobrang proud kami sa kaniya. Mag-ingat ka dyan tapos mag-usap na lang tayo pag-uwi mo," sabi ni Julie.

Tulad ni Margielyn, nais din ng kaniyang ina na magamit ang bahagi ng insentibo para sa isang negosyo.

"Sana pag-uwi ni Margie, pag-uusapan na lang po namin kung anong gagawin. Sana mag-business," sabi ni Julie na tindera ng kwek-kwek, tempura at nagmamasahe rin sa Cebu.

Isinalarawan ni Julie ang anak bilang matulungin kahit pa noong bata pa ito.

"Mabuti siyang anak kasi tumutulong siya sa amin," banggit niya.

Sabi pa niya na may panahon noon na hindi sila payag sa paglalaro ni Margielyn ng skateboard dahil sa delikado ito.

"Noong nakita ko sa kaniya na kaya niya, sumusuporta na lang kami sa kaniya," sabi niya.

Hindi lang sa paglalaro ng skateboard natatapos ang suporta nilang mag-asawa para sa anak dahil maging sa mga personal na desisyon nito sa buhay ay suportado nila.

Ang 19-anyos na manlalaro ay mayroong girlfriend at nasa kanilang bahay ngayon, ayon sa kaniyang ina.

"Kaligayahan niya. Hindi namin siya pinipigilan," sambit ng ina.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.