Bahay, edukasyon, trabaho - pangarap na lang ba?

By Ayen Maharlica, reader

Posted at Jan 15 2009 06:42 PM | Updated as of Jan 16 2009 02:43 AM

Bahay, edukasyon, trabaho - pangarap na lang ba?
 
“Bagong Taon, Bagong Pag-asa,” malimit ko itong marinig sa tuwing sumasapit ang January 1. Sabi nga ng marami, gasgas na! Ano man ang sabihin nino man, sadya yatang nakatatak na sa isip ng tao na sa bawat paglipas ng panahon ay may pag-asa.
 
Ano nga ba ang inaasahan nating mga Pilipino ngayong taon 2009? May kahirapang sagutin subalit sa katulad nating mga Pilipino ay likas sa atin ang mangarap. Sabi nga, “kung mangangarap ka rin lang ay taasan mo na.” Korek, dahil wala namang bayad ang mangarap pero kung magkakatotoo ay huwag na sana tayong magising.
 
Kung ako ang tatanungin, mas gusto kong makita na ang bawat pamilyang Pilipino ay may sariling tahanan, may sapat na pagkain, may edukasyon, may marangal na trabaho at mga ari-arian na kailangan sa araw-araw niyang pamumuhay. Simpleng pakinggan pero bagay na gusto ng marami.
 
Bakit nga ba nagiging maligalig ang mundo? Anu-ano ba ang ugat ng kasamaan? At bakit hindi masawata ang masasamang elemento? Sa aking palagay, napakasimple lang ng sagot sa mga tanong na ito - pagkain, pera at tirahan.
 
Simple lang pala ang kasiyahan ng tao. Sabi nga, “mababaw ang kaligayahan.” Pero bakit nagiging mahirap at sino naman ang nagpapahirap? Mabuting malaman natin upang hindi nakakahiyang sabihin na alam natin ang mga nangyayari sa paligid.
 
Nabago man ang taon sa ating kalendaryo subalit hindi ang sitwasyon ng may 26 na milyong maralitang Pilipino. Gayunman, batid nating lahat na ang Gobyerno ang may higit na kapangyarihan upang paglingkuran at proteksyunan ang kanyang mamamayan. Sinu-sino ba ang namumuno sa ating goberyno? Ang Presidente ang higit na may kapangyarihan sa ating bansa na siyang namumuno sa lahat. Nahahati naman sa tatlo ang ating gobyerno: (1) ang Ehekutibo (2) ang Lehislatura at (3) ang Hudikatura. 
 
Kung tutuusin, may sistema naman pala ang ating bansa pero bakit nagiging magulo tayo at patuloy na naghihirap? Iyan ang dapat nating malaman.
 
Hindi tsismis na meron tayong mga kababayan na naghihirap.  Sa katunayan, isang ina na may malaking bilang ng pamilya ang nagsabi na sobrang hirap sila sa pera. At marahil bunga nito ay salat din sila sa pagkain. Maging pag-aaral ng kanyang mga anak ay naapektuhan. Hindi dapat mangyari ang ganito dahil tayo’y tao at mga Pilipino na may karapatang mabuhay sa mundo. Gaya ng isinasaad sa Declaration of Human Rights at Bill of Rights, may karapatan tayong mabuhay, may karapatan sa edukasyon, at may karapatan sa seguridad. Subalit kung ang gobyerno ay pabaya sa ganitong sitwasyon, patuloy na lolobo ang bilang ng ating populasyon at tuloy dadami ang mangmang na naghihirap.
 
Mahirap na nga tayo, madami pa ang nagkakasakit sa panahong ito. Paano na lamang ang mga kababayan nating may sakit kung ang 20,000 local nurses na kinakailangan sa Middle East ay aalis ng bansa. Kapos na nga sa edukasyon ang iba nating mga kababayan ay mababawasan pa tayo ng mga may pinag-aralan. Kung patuloy na ganito ang mangyayari ano pa ang matitira sa atin? ‘Ano pa, e di mga bugok na kamatis.’ Naturingan tayong ‘World Class’ dahil sa mga kababayan nating nagbigay karangalan sa bansa bunga ng kanilang kahusayan. Isa na rito si Manny Pacquiao, Lea Salonga, Ariel Pineda at libu-libong OFWs.
 
Bakit nga ba naglalayasan ang mga kababayan natin dito sa bansa? Katuwiran nila, wala silang mahanap na trabaho dito. At dahil walang trabaho ay gutom ang kanilang inaabot. Ito ba ang mukha ng World Class? Isang pagyayabang marahil ang sinasabi ng ating gobyerno na maganda ang takbo ng ating ekonomiya subalit taliwas ito sa tunay na nangyayari sa ating paligid.
 
Sabi nga ng ating gobyerno, tayo ay may sapat na pondo upang matugunan ang pangangailangan ng ating mamamayan. Siguro nga ay totoo, dahil kung pera at pera rin lang ang pag-uusapan, milyon ang halaga kung maibebenta sa taong ito ang “food terminal”. sa taong ito. Ibig sabihin malaking halaga ng pera ang malilikom. At kung magkagayon, saan kaya mapupunta ang perang mapagbibilhan? O, kaninong mapalad na bulsa ito dadapo? Hindi kaya mitsa na naman ito ng kurakot? Mabuti na lang sana kung ang 26 milyong naghihirap at nagugutom na mga Pilipino ang makikinabang ay higit pang kapuri-puri.
 
Samantala, P50 milyon naman ang pondong ipinalabas ng gobyerno para sa coffee program. Ito ay sa ilalim ng Department of Agrarian Reform (DAR). At dahil milyong piso ang pinag-uusapan hindi kaya malagay na naman sa bulsa ng sino man ang halagang ito. Sadyang nakakasilaw ang halaga. Kung ang mentalidad ng isang taong may hawak nito ay ganito: “Tutal naman kape lang ‘yan bakit naman pera na ay magiging kape pa.” Mabuti na sanang unahin muna ng ating gobyerno ang mga mahihirap nating kababayan na walang bahay. Napakarami nito sa paligid, siguro ang kailangan lamang ay isang matinong pinuno na may determinasyong gawin ang nararapat.
 
Isa pang isyu na dapat pansinin ay ang pahayag ng DILG kamakailan na kailangan nito ng dagdag pang pondo para sa mga bilangguan. At ang pondong hiling ay nagkakahalaga ng P4.16 bilyon na ang mangangasiwa ay ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Ibig sabihin, prayoridad ng gobyerno na bigyan ng maayos na kulungan ang mga taong kriminal kaysa mga pamilyang walang bahid ng anumang pagkakasala sa batas. Higit na kaawa-awa ang mga inosenteng bata na wala na ngang makain ay salat pa sa edukasyon. Marami rin ang mga matatandang higit na nangangailangan ng tulong medikal ng ating gobyerno lalo’t higit ang mga lolo at lola na wala nang mag-arugang kamag-anak. Ang punto, puwede pa naman gamitin ang mga bilangguan bakit hindi na lang muna pagtiyagaan. Kung tutuusin napakaraming pulis na walang ginagawa at nakikita lamang na ‘patayu-tayo.’ Bakit hindi utusang higpitan ang pagbabantay sa mga preso upang hindi nakakapuga.
 
Hindi totoong walang pera o pondo ang ating gobyerno dahil kamakailan ay 664 na bagong patrol cars ang ipinakalat sa Philippine National Police (PNP). Marahil ay milyong pera na naman ang nagastos. Hindi naman maaalis sa malikot na pag-iisip ng ating mga kababayan na imposibleng walang nakinabang sa pagbili ng daan-daang sasakyan. Ang tanging tanong lamang ay ‘magkano?’ Magkano ang kinita ng pumapel sa bilihan? At sino ang nakinabang? Napakarami ng problema ng ating bayan. Tila hindi tayo nauubusan ng problema. Marami sa lansangan ang nagkalat na taong may diperensiya sa pag-iisip. Nasira na nga ang ulo dahil sa gutom ay tila mamamatay din silang dilat ang mata. Hindi dapat pinababayaan ng gobyerno ang kanyang mamamayan. Ang dapat sa kanila ay tipunin at arugain. Tinalikuran na nga sila ng kanilang pamilya, pati ba ang ating gobyerno ay walang malasakit sa kanila? Ang dapat, unahin na muna nating pakainin at bigyan ng tirahan ang mga may kapansanan sa pag-iisip upang hindi maging palaboy sa kalye.
 
Isipin pa ang P22 milyon na inilaan ng gobyerno para naman sa pagpapaganda ng Baguio Airport . Nakakalula ang halaga at tila masakit sa tengang pakinggan ng mga taong gutom at halos dilat na ang mga mata sa kakahanap ng pagkain. Tila pagtatapon ng pera ang nasa isip ng maralita dahil uunahin pa ba ang pagpapaganda! Sa mayayaman, luho na sa kanila ang regular na pagpunta sa mga beauty salon at spa. Bakit hindi na muna pawiin ang mahapding sikmura ng mga inosente at nagugutom na street children? Kaya nga napakarami na ngayong child prostitution dahil sa pamamagitan ng pagbebenta ng sariling katawan ay malulunasan ang kanilang gutom. 
 
Samantala, hindi ba luho ring matatawag ang Sinulog Festival? Okey lamang sana ito dahil naging bahagi na ng ating kultura ang pagdiriwang ng pista. Sa okasyong ito, isang nakapandidilat mata na P15 milyon ang kailangan para lamang sa pista. Dati-rati ang pagdiriwang ng pista ay simple lang. Kaunting salu-salo ay okey na. Nagiging masaya dahil sa mga palaro at misa ng pari. Kung pasasalamat din lang ang tema ng okasyong ito, paanong maipagpapasalamat ang gutom na dinaranas ng mga taong walang makain sa hapag-kainan? Paanong masasabing pagdiriwang kung ang mga nasa paligid nito ay nakatungangang manonood na walang bahay, walang damit na maayos at walang makain. Maaatim ba ng isang pari na sa kabila ng isinisagawa niyang misa ng pasasalamat ay may mga tumatangis na Pilipino at nagsusumamo sa itaas ng grasya?
 
Pera at pera ang ugat ng kasamaan sa ating paligid. Kung sa gobyerno ang katumbas nito ay korupsyon, sa palagay ba natin mababawasan ang 26 na milyong naghihirap na Pilipino? Malamang na sagot ay lalo pang maghihirap. Sa kabilang dako, masayang ulat na ang Bureau of Immigration ay kumita ng P2 bilyon nitong nakalipas na 2008. Tanong: Saan makikita ng bawat Pilipino ang halagang ito? Sa mukha ba ng mga pulubing nasa lansangan, sa mga nagkakalkal ba ng basura sa mga dumpsite o sa mga pamilyang nakatira lamang sa ilalim ng tulay? Huwag sanang maligaw sa bulsa ng gahaman ang perang kinita ng gobyerno bagkus ay pakinabangan ng mga maralitang Pilipino.
 
Sa isinagawang re-organization ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanilang departamento ibig lang sabihin nito na hindi ganun kaepektibo ang kanilang tauhan dahil sa patuloy na nagganap na illegal logging. Kung tutuusin, milyong buhay na ang nakitil dahil dito. Sana lang walang mga timawang kawani ang masilaw sa mga transaksyon nito. Hindi ito makakatulong sa bayan lalo pa sa mga hikahos na sitwasyon ng 26 na milyong Pilipino.
 
Samantala, 34 na paaralan ang patatayuan ng panibagong gusali. Ang programang ito ay tatagal ng 5 taon bago tuluyang maipatupad. Mahaba-haba na rin and 5 taon kung tutuusin, hindi kaya pagmulan na naman ito ng kurakot? Ang punto, pakinabangan na muna sana ng mga nagugutom na bata sa lansangan ang pera bago isunod ang pagtatayo ng mga gusali. Kung ano ang higit na may pangangailangan ay siyang dapat unahin. Sa mga transaksyon ng konstruksyon, siguradong dumadaan muna ito sa ‘bidding’ na kalimitang pinagmumulan ng korupsyon. Kanya-kanyang bata (tauhan), ay kanya-kanya ring kurakot. Tumataginting naman na P15 bilyon ang kinakailangan para dito.
 
Sa samu’t-saring problema ng ating bayan ang higit at kalimitang biktima ay mga mahihirap na Pilipino. Sabi nga ng pari, “Higit tayong magtiwala sa Diyos, hindi sa mga manghuhula.” Bagay na sinusunod ng marami sa atin lalo na ng mga mananampalataya. Pero bakit noong panahon ng Kastila ay ipinapatay ang bayaning si Jose Rizal? Sa nobela ni Rizal na Noli Me Tangere, isang lihim ng Simbahang Katoliko ang kanyang isiniwalat. Ang noo’y si Kapitan Tiago na may asawang hindi magkaanak ay malimit dumalaw ng simbahan at magdasal. Dahil dito, pinapunta ni Padre Damaso, isang prayleng pari, ang asawa ni Kapitan Tiago sa Ubando upang sumayaw sa paniniwalang magkakaanak. Naganap nga na siya’y magkaanak sa katauhan ni Maria Clara. Ang hindi alam ng marami ang paring si Padre Damaso ang ama ni Maria Clara. Bagay na natuklasan naman ni Rizal at kanyang isiniwalat sa pamamagitan ng pagsusulat. Sa puntong ito, ginawang lihim ng simbahang Katoliko ang eskandalong ito kung kaya’t ipinag-utos na ipapatay si Rizal. Kung ganito ang nangyari noon, sa kasalukuyang panahon, dapat ba tayong sumunod sa pari?
 
Wala na bang katapusan ang paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino. Kung tutuusin ay napakasimple lang naman ng mga pangangailangan ng isang tao para mabuhay - ang magkaroon ng pagkain, damit at bahay.
 
Ayen Maharlica