Pera o Kaligayahan

Nag-away kami ng nanay ko nung isang araw.

Ang topic? Pera. Nanghihingi kasi siya nang pambayad sa planstadora, at walang maibigay ang tatay ko, dahil ‘di pa daw suweldo. At siyempre, dahil nagtatrabaho na ‘ko, sa akin siya humingi. Nagkataon namang ‘di pa rin ako sumu-suweldo, at malapit nang maubos ang ni-withdraw kong pera.

Kaya kalaunan, nagreklamo siya dahil kulang daw ang binibigay sa kanya para pang-budget sa bahay. Kesyo daw gipit siya sa pamalengke, pang-grocery at pambayad sa kuryente, tubig at iba pang bayarin. Kesyo daw na kami ‘yung nagta-trabaho, kaya dapat nagbibigay kami sa bahay. Kesyo kami daw ‘yung maraming magpalaba at magpa-plantsa. Kesyo daw dahil mahina ang exports (kung saan nagta-trabaho ang tatay ko), hirap na kami.

Medyo uminit na ang ulo ko. Sabi ko, nagbibigay naman ako nang hinihingi niya (ako kasi ang sumasagot ng tubig at panggrocery). Natigil lang kasi ngayon lang ulit ako nagtrabaho. At ako ang sumasagot sa pang-tuition naming magkapatid. Tutal, nakakaluwang naman kami.

Alam niyo ba ang hirit ng nanay ko? Kasi daw ‘di ako kumuha ng trabahong mas malaki ang kita.

**********

Simula nang nagtrabaho ako, hindi naging issue sa akin ang kikitain ko. Actually, ipinangako ko ‘yun sa sarili ko. Ayokong maging pera ang dahilan ng pagtanggap ko sa isang trabaho. Mas gugustuhin kong kumuha ng trabaho na magagamit ko ang pinag-aralan ko (at kung mapapabuti pa ‘ko nito), at kung may magagawa akong kapaki-pakinabang. Career growth over compensation, kumbaga.

Tutal, ‘di naman ako nahihirapang maghanap ng trabaho. Salamat sa degree kong mula sa UP at ilan sa mga extra-curricular activities, astig ang dating ng resume ko. Okay din naman ang mga employment exams at interviews ko, kaya madali sa aking makakuha ng trabaho.

Naniniwala din kasi akong kasabay ng career growth at prestige na sinasabi ko, darating din ‘yung compensation. Sabi nga ng tatay ko, bata pa ako. Experience muna ang habulin ko bago ang suweldo. Handa din naman akong maghintay.

Pero mukhang ‘yung mga nakapaligid sa’kin, hindi.

**********

Noong nag-a-apply ako ng trabaho, marami din namang nag-interview sa’kin. Hanggang ngayong may trabaho na ‘ko, may mga tumatawag pa sa’kin. Isa dito ay isang istasyon ng telebisyon kung saan ni-rekomenda ako ng tiyahin ko bilang researcher. Tinatawagan nila ko para mag-exam. Siyempre, paano ko naman sisiputin ‘yun, kaya sabi ko ‘di ko alam kung kailan ako puwede.

Kinukuwento sa’kin ng tiyahin ko kung ano daw yung mga perks and benefits ng trabahong ‘yun. Kesyo daw may free make-over, pa-kotse, bonuses, at mga complimentary passes pa sa mga restaurant, pelikula at concerts. At makikita mo pa at magiging ka-close ang mga artista.

Meron ding isang kumpanyang bahagi ng industry ng tatay ko na kumuha sa’kin. Dito daw, pag nag-travel ka, pinakamalapit na ang Hong Kong. Puwede ka pa daw makarating ng Amerika. Syempre, malaki din ang suweldo at ang opisina sa Makati. Yuppie talaga ang dating mo. Pero tinanggihan ko lahat ‘yun.

**********

Ayaw lang siguro iparinig sa’kin ng nanay ko, pero siguro iniisip niyang baliw ako para tanggihan ang lahat nang ‘yun at tanggapin ang trabaho ko ngayon—sa isang ahensya ng gobyerno, sa ‘di naman kalakihang suweldo at gipit na oras, pero napakalaki naman ng pagkakataon for career growth at prestige, mabilis ang promotion, at instantly marketable pa sa ibang international organizations.

Iniisip niya sigurong baliw ako dahil mas pinili ko ang maglingkod sa bayan kaysa ang bulsa ko. Na mas pinili ko ang magkulong sa isang opisinang badbad sa burukrasya kaysa makipagbeso-beso sa mga artista, maging yuppie at kumita ng malaki.

**********

Pero anong magagawa ko? Dito ako masaya. Masaya akong paglingkuran ang bayang nagbayad ng tuition ko bilang Iskolar ng Bayan. Masaya ako sa dito sa trabaho kong nabibigyan ako nang kalayaan ng oras at panahon. Masaya ako at nakakatulong ako sa pagbuo ng mga paraan para umunlad ang mga mas hirap at maliliit pa sa akin.

Sana lang, dasal ko, maintindihan ‘yun ng nanay ko.

(Author’s note: Para sa mga taong ginagawa ang gusto nila. At sa mga taong naglilingkod sa kapwa. Mabuhay kayo.)


Written by nescafe_ice13, edited by arwen and first appeared on www.peyups.com on 3rd November 2008.

1474 Total Views 14 Views Today