KALIGAYAHAN

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

NATAWAG ang aking pansin sa pananalita kamakailan ni Pope Francis. Sa kanyang homily sa St. Peter’s Square sa harap ng 70,000 kabataan, sinabi ni Pope Francis na walang katumbas na halaga ang kaligayahan at hindi ito isang app na maaaring i-download, at hindi rin maibibigay ng latest update ang kalayaan at kadakilaan ng pag-ibig.

Ang kanyang pananalita ay isang pagpapaalala sa kabataan na ang makabagong teknolohiya, lalo na ang smartphone, ay maaaring makatulong sa propesyon o pansariling gawain, ngunit hindi maaaring mamayani sa ating buhay.

Totoo na sa kasalukuyan, sa tulong ng makabagong teknolohiya at telepono, madali nang makipag-ugnayan sa mga kaibigan at pamilya anumang oras at saan man. Halimbawa, hindi na kailangan ngayon na laging magdala ng kuwaderno na may mga numero ng telepono ng mga kaibigan o kasama sa trabaho, o ng mga pinag-usapan sa meeting.

Malayo na nga ang narating natin sa tulong ng teknolohiya, ngunit gaya ng sinabi ni Pope Francis, hindi nito maaaring kontrolin ang ating buhay.

Natitiyak ko na hindi tinututulan ni Pope Francis ang teknolohiya dahil siya man ay may Twitter account. Ipinaaalala lamang niya na ang teknolohiya ay isang kasangkapan ngunit hindi maaaring ipalit sa pakikipag-ugnayan sa kapwa, na tunay na nagpapaligaya sa atin.

Hindi ako dalubhasa sa kaligayahan, ngunit naniniwala ako na ang kaligayahan ay ang anumang bagay o aktibidad na nakapagpapaligaya sa tao.

Magkakaiba ang dahilan ng kaligayahan. Madalas nating naririnig na ang kaligayahan ay nanggagaling sa pinakasimpleng bagay. Halimbawa, lagi akong naliligayahan tuwing magkakasalo ang aking pamilya sa hapag-kainan tuwing Linggo. Isang tradisyon sa pamilya Villar na laging magsama-sama tuwing Linggo kahit abala kami sa mga pansariling gawain. Masaya kami hindi lamang dahil sa pagkain kundi sa kuwentuhan habang kumakain.

Maligaya rin ako kapag kasama ko sa panonood ng sine tuwing Linggo ng gabi ang aking maybahay. Sa mga sandaling ito na kapiling ko si Cynthia, nalilimutan namin ang bigat ng trabaho, habang tinatamasa ang mahika ng pelikula.

Ang totoo, ang panonood ng sine ang paborito kong libangan kahit noong aking kabataan. Madalas kaming magkasama ng aking mga kaibigan noon sa Cubao, noong 60 sentimos lamang ang bayad sa sinehan na dalawang pelikula ang palabas.

Sa kasalukuyan, ang pinanggagalingan ng aking kaligayahan ay ang dalawa kong apo, isang edad walong taon at ang isa ay limang buwan. Walang katumbas ang nadarama kong ligaya kapag niyayakap at hinahagkan ko sila. Ibang uri ng kaligayan ang nadarama ng isang lolo. Totoo ang sinasabing ang isang oras sa piling ng mga apo ay nakapagpapabata.

Ito ay kaligayahan na hindi matutularan ng anumang app at hindi makukuha mula sa makabagong teknolohiya.
(Manny Villar)