Pag-isipan ang Trabahong Nais Pasukan - Pat A. Sto. Tomas

ALAM BA NINYO | PAT A. STO. TOMAS

Posted at Aug 16 2009 01:17 AM | Updated as of Aug 16 2009 10:23 AM

Marahil ay inyong nasubaybayan ang kaso ni Mae Vecina, ang isa nating kababayan na nahatulan ng parusang kamatayan ng pamahalaan ng Kuwait subalit masuwerte namang nabigyan ng pardon o pagpapatawad ng Emir ng Kuwait matapos ang mahabang pakikipag-negosasyon ng ating pamahalaan.

Sa hindi masyadong nakakaalam si Mae Vecina ay isang OFW na umalis dito sa atin upang maging isang domestic helper sa Kuwait. At katulad ng marami na rin sa ating mga kababayan na sa ganitong uri ng trabaho sa Middle East, si Mae ay naging biktima ng mapang-abuso at malupit na employer. Siya ay hindi binibigyan ng sapat na pagkain sa araw-araw sa kabila ng sobrang haba ng oras ng pagtatrabaho na nagreresulta sa kanyang kakulangan ng pagtulog sa araw-araw. Sa kabila nito ang pagtrato sa kanya ay halos hindi rin makatao. Ang lahat ng ito ay tiniis ni Mae subalit sa kalaunan ito ay nagkaroon ng negatibong epekto hindi lamang sa kanyang kalusugan kundi pati na rin sa kanyang kaisipan. Nang dahil dito, dumating ang punto na nandilim ang kanyang kaisipan at siya ay nakagawa ng isang bagay na sa ordinaryong sitwasyon ay maaaring hindi niya magagawa, isang malaking pagkakamali na sumadlak sa kanya sa bilangguan – ang patayin ang pitong-taong gulang na anak na lalaki ng kanyang amo.

Si Mae ay nahatulan ng pagkakasala at ang parusang ipinataw sa kanya ng hukuman sa Kuwait ay parusang kamatayan. Sa isang iglap ayon kay Mae ay nagwakas ang kanyang mga pangarap sa buhay at naglaho sa kanyang kaisipan ang pag-asang makabalik sa Pilipinas at makasama ang kanyang mga mahal sa buhay. Mabuti na lamang at ang pagpasok sa kaso ni Mae ng ating pamahalaan ay pinakinggan ng Emir ng Kuwait at si Mae ay ginawaran ng Emir ng full pardon.

Si Mae ay nakabalik dito sa atin noong last week of June. Laking tuwa ng asawa at dalawang anak ni Mae ng siya ay salubungin ng mga ito sa Davao International Airport. Sobra din ang katuwaan ng kanyang mga kamag-anak at mga kapitbahay ng siya ay nakitang muli pagdating niya sa kanilang baryo sa Kilada, Matalan, North Cotabato. Ayon kay Mae sobra din ang kaligayahang kanyang nadama at siya ay taos-pusong nagpapasalamat sa pangalawang buhay na naibigay sa kanya. Subalit ayon sa kanya, sa kabila ng katuwaan at kaligayahan naroon pa rin ang kalungkutan at labis na pag-aalala na namamalagi sa likod ng kanyang isipan at ito ay dahil sa pagdurusang patuloy na dinaranas ng kanyang limang kasamahang OFWs na nakakulong doon sa bilangguan sa Kuwait. At ang mga ito ay mga nahatulan din ng parusang kamatayan.

Nabanggit ko itong kaso ni Mae Vecina sapagkat nais kong ipaalam sa ating mga tagasubaybay ang katotohanan na hindi madali ang maging OFW at hindi laging kapakinabangan ang nakakamit dito. Totoong marami sa ating mga kababayan na nag-OFWs ang umaasenso ang pamumuhay at nakakamit ang mga pangarap para sa magandang bukas ng kanilang pamilya. Subalit madami rin sa ating mga OFWs ang nagkakaroon ng mga problema sa pamilya na nagreresulta sa pagkasira o paghihiwalay. Ito ay atin ng natalakay minsan sa isang kolum tungkol sa broken families. Ang mas masaklap ay ang isang sitwasyong katulad ng napuntahan ni Mae Vecina na nagresulta sa kanyang pagkakulong at maparusahan ng bitay.

Marami ang ganitong kaso na nangyayari lalo na sa mga OFWs na nasa low-skilled category ang trabaho katulad ng household work. Mahirap ang maging household worker lalo na kung tayo ay makapag-trabaho sa isang pamilya na ang kaugalian, kultura, paniniwala at kaisipan ay malaki ang pagkakaiba kaysa sa ating nakagisnan. Ang pagkakaibang ito ay madalas na nagdudulot ng hindi pagkaintindihan kahit sa mga maliliit na bagay at ito ay lalong pinaiigting ng mahabang pagsasama ng OFW at ng kanyang employer sa araw-araw. Hindi katulad ng mga OFWs na nagtatrabaho sa isang opisina o kumpanya kung saan ang work hours ay hindi gaano kahaba, sa mga OFWs na nasa household work ang trabaho kadalasan ay halos walang tigil sa maghapon at pag minalas-malas pa, sa buong magdamag. At kung matiyempuhan pa na ang employer ay isang mapang-api, katakot-takot na pagalit at sigaw pa ang mararanasan ng OFW. Minsan din ay hindi lamang sigaw at galit ang mararanasan kundi pisikal na pananakit mula sa employer. Sa ilang sitwasyon ito ay maaaring hahantung pa sa sexual abuse and molestation. Kaya marami tayong nasasagap na report tungkol sa pagkawala sa katinuan ng ating mga OFWs na humahantong sa kanilang paggawa ng mga bagay na sa isang normal na sitwasyon ay hindi nila maiisip na gawin.

Sa kaso halimbawa ni Mae, maliban sa hindi pagbigay sa kanya ng sapat na pagkain sa araw-araw sobra din ang haba ng kanyang trabaho na nagresulta sa kanyang kakulangan sa pagtulog. Ang mga ito at marahil ay ilan pang pang-aapi sa kanya sa araw-araw na lamang sa loob ng panahon ng kanyang pagtatrabaho ang nagbunsod sa kanya na gawin ang isang bagay na ayon sa kanya ay hindi niya magagawa sa isang normal na kondisyon – ang mapatay ang pitong-taong gulang na anak ng kanyang amo. Ayon kay Mae siya ay nawala sa kanyang sarili.

Ang maging isang household worker sa isang bansa na malaki ang pagkakaiba ng kaugalian at kultura kaysa sa atin ay tunay na mahirap. Kaya ang masasabi ko lamang sa mga nagnanais na pumasok sa ganitong klaseng trabaho ay dapat na pinag-iisapan itong mabuti. Kung mayroon pang ibang option, mas makakabuti na iwasan natin ang pumasok sa ganitong trabaho. Ako ay nagugulumihanan halimbawa sa aking mga naririnig na mga istorya ng mga teachers o clerks sa probinsya na iniiwan ang trabaho upang maging household worker sa ibang bansa lalo na sa Middle East. Bakit? Dahil sa pangakong $400 na pasahod sa isang buwan? Ang katumbas nito sa piso ay Php16,000.00 more or less. Ito ay kung totoo nga na maibibigay ang halagang ito na katulad ng ipinangako. Hindi gaanong kalakihan ang diperensya nito sa sahod ng isang guro o clerk dito sa Pilipinas. Ngunit kung ating susuriing mabuti madami ang paglabag sa pasahod ang nadaranas ng ating mga household workers. Marami na akong nakakausap na OFWs na ganito ang reklamo subalit ayaw ng mag-sumite ng kanilang mga reklamo. Ayon sa aking mga nakausap ang pasuweldo sa kanila ay umaabot lamang sa $250-$300 sa isang buwan o mga Php12,000.00. At sa baba ng pasahod ay may mararanasan pang sigaw, kurot, suntok, o paghagis ng tubig o pinggan o di kaya ay panghihipo sa maselang bahagi ng katawan. Ganito ba ang nais nating pasukang trabaho na maaaring hahantong sa pagkasira ng ating kaisipan at paggawa ng bagay na magbibigay sa atin ng parusang kamatayan?

Mag-isip tayo ng kaunti at ng sa gayon tayo ay makagawa ng mas tamang desisyon.

Maraming salamat sa inyong pagsubaybay.