4 na senyales na hindi ka gusto ng biyenan mo

4 na senyales na hindi ka gusto ng biyenan mo

Nararamdaman mo ba na may mali sa relasyon ninyong mag-biyenan? Narito ang apat na senyales na hindi ka talaga niya gusto.

Hindi ibig sabihin na maayos ang pagsasama ninyong mag-asawa, e, maayos na rin ang lagay mo sa pamilya niya. Karamihan ng mga biyenan na babae ay hindi pa rin palagay ang loob sa napangasawa ng anak nila. Paano ba dapat ang tamang pakikitungo sa biyenan? May nagagawa ka ba para hindi ka niya magustuhan?

Minsan kahit na anong gawin mong pakikisama parang wala pa rin epekto sa kaniya. Paano malalaman kung normal ba ang ginagawa niya o kung talagang hindi ka niya gusto?

Ayon sa artikulo ni Laura Lifshitz ng Popsugar, ito ang mga senyales na hindi ka talaga gusto ng biyenan mo:

1. Hindi ka niya gustong makasama

Kapag parati mong iniimbita ang biyenan mo at parati rin siyang hindi dumadalo, malaki ang tsansa na hindi ka niya gusto.

"Kapag gusto mo na sa bahay ninyo maghanda ng noche buena pero gusto niya na sa bahay niya kayo pumunta, gagawa siya ng maraming dahilan para i-push ang ideya na sa bahay na lang niya ganapin ang okasyon."

Sabi nga nila, "Kung gusto, maraming paraan. Kung ayaw, maraming dahilan."

2. Ipupunto niya ang pagkakamali mo... sa harap ng asawa mo

Hindi lang siya humahanap ng mali mo, ginagawa pa niya ito sa harap ng asawa mo.

"Hinahanapan ka niya parati ng mali at sinasabi niya ito sa asawa mo. Pinapamukha rin niya sa 'yo na mas magaling ang asawa mo sa 'yo. Sa mata niya, wala kang nagagawang tama at tinimbang ka ngunit kulang."

Parati rin niyang ipinapamukha na masuwerte ka dahil ikaw ang pinili ng anak niya.

3. Kinokontra parati ang turo mo sa anak mo

Gagawa at gagawa siya ng paraan para kontrahin ka—pati sa pagpapalaki mo sa anak mo. Ang mas malala, ipipilit niya na mali ang ginagawa mo at ang paraan niya ang mas tama. Sa pananaw niya, siya ang mas magaling na nanay at mas may experience sa mga bagay patungkol sa pagpapalaki ng bata.

4. Kunyari close

Ito ang senyales na pinakamahirap malaman. Imbis kasi na ilayo niya ang sarili niya sa 'yo, kabaligtaran ang gagawin niya. Hindi siya magpapakita ng kahit na anong clue na hindi ka niya gusto. Imbis, magiging close siya sa 'yo.

Pero habang tumatagal, mapapansin mo na parati ka niyang pinupuna pero bago mo isipin na may malisya ang sinabi niya, bibigyan ka niya ng compliment.

Ang nangyayari, hindi mo siya puwedeng pagbintangan na masama siya sa 'yo dahil parati siyang "mabait." Mahirap din na paniwalaan ka ng mga tao, mas lalo na ng asawa mo, dahil hindi direkta at marahas ang mga pagpupuna niya sa 'yo. Kadalasan sasabihin niyang, "concerned" lamang siya sa iyo.

Ano ang puwede mong gawin?

Ayon sa artikulo, importante na isipin mo na ikaw ang mas nakakaintindi sa sitwasyon. Ipalagay mo ang sarili mo sa sapatos niya. Isipin kung bakit niya nagagawa o nasasabi ang mga bagay na iyon.

Importante rin na kausapin mo ang iyong asawa tungkol sa pakikitungo ng biyenan mo sa 'yo. Sa ganitong paraan, alam niya na may hindi kayo pagkakasundo.

Tandaan: kahit hindi maganda ang relasyon mo sa biyenan mo, huwag na huwag mong ipapaalam ito sa mga anak mo. "Hindi nila kailangan marinig kung gaano mo ka-hate ang lola nila. Hayaan mo silang magkaroon ng relasyon sa biyenan mo, kung posible man ito."

Sabi pa sa artikulo, "Kung masama talaga ang ugali ng biyenan mo, mari-realize ito ng mga bata pag tanda nila."

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner