Lalaki patay matapos pagsasaksakin ng biyenan

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 04:38 PM | Updated as of Jun 12 2017 04:40 PM

LAOAG CITY - Patay ang isang 36 taong gulang na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang sariling biyenan na lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Dibua South, Laoag City Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Val Adriano, samantalang pangunahing suspek ang kaniyang biyenan na si Eduardo Arindon.

Kuwento ni Arindon, bago ang insidente, pinapatigil lang niya sa pag-iingay ang kanyang mga apo. 

Lumapit sa kanya ang biktima at sinuntok umano siya sa likod.

"Pinapatigil ko 'yung mga bata dahil maingay Tapos hindi ko naman alam na sumusunod na siya sa akin. Bakit ano 'yun papa, tanong niya, at 'yun, sinuntok na lang ako sa likod," ani Arindon.

Nang makitang tila kukuhanin na ni Adriano ang kutsilyo ay inunahan na niya ito at pinagsasaksak ang biktima.

Bago ang pananaksak, nag-inuman ang magbiyenan at parehong lasing.

Desidido naman ang pamilya Adriano na sampahan ng kaso ang suspek.

Halos anim na taong magkasama sa iisang bahay ang biktima at suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.