Biyenan, patay matapos martilyuhin ng manugang

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2014 12:40 PM | Updated as of Dec 27 2014 08:40 PM

LAOAG – Arestado ang isang lalaki sa Ilocos Norte matapos nitong mapatay ang kanyang babaeng biyenan.

Sa kulungan ng pulisya ng Batac City, Ilocos Norte nagpasko and 39 taon gulang na si Darwin Tagatac matapos umano niyang mapatay ang 67-taong gulang niyang biyenan na si Alejandrina Agtunong.

Sa imbestigasyon, bigla na lamang daw pinagmamartilyo ni Tagatac ang ulo ng kanyang biyenan sa loob mismo ng kanilang bahay.

Paralisado ang kalahating katawan ng biktima kaya hindi na ito nakatakbo o nakahingi agad ng tulong habang pinagmamartilyo ng manungang.

Agad na namatay si Agtunong dahil sa sugat sa kanyang ulo.

Ayon kay Tagatac, hindi daw niya alam ang kanyang ginawa. Pero nagsisisi ito dahil napatay niya ang biyenang mabait naman daw sa kanya.

Ayon na rin sa pamilya ng biktima, may diperensya talaga sa pag iisip si Tagatac.