Para malaki ang tsansang magustuhan ng biyenan
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - January 2, 2017 - 12:00am

MAY isang babaing inuna ang pag-aasawa kaysa tapusin ang kanyang pag-aaral. Guwapo kasi ang lalaki at natatakot siyang may umagaw pa dito na mas malandi pa sa kanya. Kaya isang yayaan lang na magsama na sila, sumama kaagad siya sa nobyo, sa kabila ng kanyang pagiging menor de edad?17 anyos.

May maayos namang trabaho si Lalaki kaya naibibigay nito ang mga munting luxuries na hindi maibigay ng kanyang ina. Anak siya sa pagkadalaga.  Mababa lang ang sahod ng kanyang ina bilang salelady ng isang department store pero pilit iginagapang ang kanyang pag-aaral ng kursong nursing. Kaso nabuntis na siya kaya nagpasya siyang tumigil na lang sa pag-aaral.

Nasa ikatlong taon na sila ng pagsasama nang matuklasan niyang may bagong babaeng kinahuhumalingan ang kanyang kinakasama. Nakarating sa kanyang kaalaman na Janice ang pangalan ng babaing sumugod  sa bahay ng kanyang biyenan. Nasaktan siya nang malamang pinatuloy ng kanyang mga biyenan ang babae sa bahay ng mga ito nang ilang araw. May binitawan pa raw na salita ang kanyang biyenan na sana raw ay iyon na lang ang naging legal daughter in law nila. Sa kasalukuyan ay hindi siya mapakasalan ng kinakasama dahil marami itong idinadahilan sa kanya.

Minsan ay nagpunta siya sa bahay ng biyenan para kuhanin ang hiniram nitong turbo broiler. Kapag nagpupunta siya dito ay sa pintuan ng kusina siya dumadaan dahil may asong mabagsik ang mga ito na nakatali malapit sa main door. Kahit nakatali ay muntik na siyang maabot nito at kagatin noong isang araw na dumalaw siya.

May kakuwentuhan ang kanyang biyenang babae sa salas. Malinaw na narinig niya ang sinabi nito sa kausap:

“Mas boto ako kay Janice kaysa kay Alina. Si Janice ay may trabaho, accountant pala ang babaeng ito. Mas maganda kung ang babae ay may pinag-aralan para nakakatulong sa pagha-hanapbuhay sa kanyang asawa. E, itong manugang kong hilaw, walang alam kundi magyabang sa Facebook. Wala namang trabaho. Ang ipinagyayabang namang mga gamit  ay pulos binili ng aking anak. Kami ang nagpaaral, pero ang umani ng bunga ay isang taong hindi naman namin kaanu-ano.”

Umubo-ubo siya para iparamdam ang presence niya. “Mommy excuse me, puwede ko na hong kunin ang turbo?”

Nagitla ang biyenang hilaw pero mabilis itong nakapag-adjust ng mood at umakto na parang wala lang. “Ah, oo nga pala. Kuhanin mo sa ilalim ng sink.”

‘Yun lang at tumalikod na siya. Binagalan niya ang kilos upang pakinggan pa ang sasabihin ng biyenan.

“Mare, narinig ka yata ni Alina…” sabi ng bisita sa  kanyang biyenan

“Hayaan mo?, di sumbatan niya ako.”

Habang naglalakad sa kalsada bitbit ang turbo broiler, napaluha siya. Sa buong panahon ng kanyang pakikipag-live in, noon lang siya nakadama ng pagsisisi sa mga mali niyang desisyon. Talagang kahit saang anggulo, mas malaking bentahe ang nakatapos ka ng pag-aaral.

FACEBOOK
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with