Lalaking nagnakaw ng bike, tiklo dahil sa sumbong ng biyenan

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2016 05:50 PM

MANILA - Arestado ang isang lalaking nagnakaw ng mountain bike matapos isumbong ng kanyang biyenan sa mga opisyal ng Barangay BF Homes, Parañaque, Sabado.

Ayon sa barangay tanod na si Franco Salamat, nagpunta sila sa bahay ng suspek na si Christopher Alvior matapos makatanggap ng tawag sa telepono na nakikipagtalo ito sa kanyang misis.

Ang dapat sana'y pag-awat sa away ng mag-asawa ay nauwi sa pag-aresto nang isumbong ng biyenan ni Alvior na nagnakaw ito ng isang mountain bike mula sa isang restaurant sa Parañaque noong Hunyo 4.

Inamin ni Alvior ang krimen at sinabing nagawa lamang niya ito dahil sa matinding kakapusan sa pera.

Naibalik naman ang bike sa may-ari nitong si Alpha Romeo Bautista, isang security guard sa restaurant kung saan naganap ang pagnanakaw.

Pansamantalang ipiniit si Alvior sa barangay hall si Alvior habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.