Una sa Balita

SUV ng biyenan ni Grace Poe nahulog sa Greenhills mall parking

0 575

SUGATAN ang driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na kinilalang father-in-law ni Senador Grace Poe Llamanzares matapos itong bumagsak mula sa ikatlong palapag ng isang shopping mall sa Greenhills, San Juan kahapon ng umaga.

Ayon sa pulisya, paparada sana sa parking area ang sasakyang Toyota Innova ng biktima nang bigla itong umarangkada hanggang tumama sa bakal na railing at mahulog sa ground floor, bandang alas-9:45 ng umaga.

Unang tumama sa lupa ang harapan ng sasak­yan kaya bumaliktad ito.

Bukod sa biktimang si Dr. Teodoro Llamanzares, 83-anyos, ay wala namang ibang nadamay sa aksidente.

Si Dr. Llamanzares ay kasalukuyang ginagamot sa Cardinal Santos Medical Center. Nabatid na ­responsive umano ang biktima bagama’t wala pa ang resulta ng CT scan nito.

Nabatid na galing sa simbahan ang biktima bago ang aksidente.

Inaalam pa kung human error o pagkukulang sa gusali ang sanhi ng insidente. Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa management ng mall.

Nakakordon pa rin ang pinangyarihan ng ­aksidente at hindi pa inaalis ang sasakyan habang iniimbestigahan ito ng mga pulis.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy