NAGA CITY- Personal na sumuko sa mga otoridad ang padre de pamilya na nasa likod nang pamamaslang sa sariling asawa at byenan nito sa Sagrada Familia, Bula, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSupt. Benito Dipad, Chief of Police ng Daraga PNP, sinabi nitong nakipag-ugnayan aniya ang suspek na si Joey Cariaga sa isa sa kanilang pulis para sa kanyang pagsuko.

Ayon kay Dipad, dumating aniya sa kanilang himpilan si Cariaga kasama ang pulis na si PO3 Saguirrer at abogado nitong si Atty. Felix Brazil Jr.

Aniya, inamin ni Cariaga ang krimeng nagawa habang naisipan lamang aniya nitong tumakas para maiwasan ang mas malaking problema lalo na sa mga pwedeng magawa ng pamilya ng kanyang asawa.

Kwento aniya ni Cariaga, sinusundo na niya ang asawa na umuwi sa kanilang bahay ngunit tumanggi ito at dahil lango aniya siya sa alak kung kaya nagawa niya ang naturang krimen.

Nabatid na halos dalawang linggo na umanong hindi nag-uusap ang mag-asawa habang doon na ang biktimang si Noemi natutulog sa bahay ng inang si Florencia Antioquia.

Maaalala na naabutan na lamang ng 13-anyos na anak ang ina nito at lola na naliligo na sa sairiling dugo habang may mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.