ILOILO CITY – Umatras na sa kanyang kandidatura ang biyenan ni dating Department of Health (DOH) Sec. Janet Garin na makakatunggali sana nito sa pagkakongresista sa 1st district sa lalawigan ng Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimbal Mayor Oscar Garin, sinabi nito na boluntaryo itong naghain ng withdrawal form sa Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Garin, nais nitong mabura sa isipan ng kanilang mga supporters na may nangyayaring hindi pagkakaintindihan sa kanilang pamilya.

Minabuti naman ng nakakatandang Garin na tumakbo muli bilang alkalde sa bayan ng Guimbal, Iloilo.

Dahil dito, sina dating DOH Sec. Garin na lang at ang mister nito na si incumbent Iloilo 1st District Rep. Richard Garin ang magtutunggalian sa pagkakongresista.