Abante Tonite Interactive

Mukha ng biyenan pinagsasaksak

1,441

Malagim na Friday the 13th ang sumalubong sa isang pamilya sa Quezon City kahapon ng madaling-araw makaraang tadtarin ng saksak sa mukha ang isang ginang ng kanyang manugang habang sugatan naman ang anak na lalaki ng biktima na umawat sa bayaw nito.

Sa ulat ng tanggapan ni Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit, nasawi ang biktimang si Myrna Ubongen, 47-anyos, isang street sweeper at biyuda na.

Namatay ito habang isinusugod sa Quezon City General Hospital dahil sa tinamong maraming saksak ng patalim sa kanyang mukha.

Kasalukuyan namang ginagamot sa nasabing ospital ang kanyang anak na si Raymart Ubo­ngen, 24-anyos at isang dishwasher, matapos na masaksak din ng nagwawalang bayaw na nakilalang si Louie Masangkay, 33-anyos, naninira­han sa No. 288 San Vicente, Macabebe, Pampanga.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 George Caculba, dakong alas-3:10 ng madaling-araw ay mahimbing na natutulog ang mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa Caragay St., Brgy. Damayan, nang magising si Raymart at nakitang pinagsasaksak sa mukha ang kanyang ina ng bayaw na si ­Masangkay.

Mabilis na sinaklolohan ni Raymart ang ina na noon ay duguan na ang mukha ngunit sinaksak din siya ng suspek. Tinamaan sa katawan si Raymart pero kahit sugatan ay nagawang makalabas ng bahay at humingi ng tulong sa mga barangay tanod.

Pero pagdating ng mga tanod sa kanilang bahay ay nakatakas na ang suspek at nakita ang duguang mukha ng ginang kaya agad na isinugod ito sa nasabing ospital.

Pinaniniwalaang na­galit ang suspek sa kanyang biyenan dahil sa hinalang kinukunsinti ng ginang ang anak na babae ni Masangkay na may ibang karelasyong lalaki.

Nabatid na iniwan ng anak na babae ng biktima ang suspek at sumama umano sa ibang lalaki. Sa pag-aakala ni Masangkay na kinukunsinti ng kanyang biyenan ang ginawa ng anak ay ito ang pinagdiskitahan.