Abante Tonite Interactive

Magbiyenan patay sa buy-bust

140

Patay ang ­dalawang kalalakihang sinasabi na magbiyenan makaraang manlaban umano sa mga awtoridad sa isang buy-bust operation, bagay na itinanggi naman ng mga misis nito dahil wala umanong nangya­ring buy-bust kundi mga maskarado umano ang ibang pulis na dumating sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Caloocan City Police, ganap na alas-10:30 ng gabi nang magtungo sila sa Peta St., Brgy. 153, Bagong Barrio ng nasabing lungsod upang magsagawa ng buy-bust operation sa target nilang masakote na si Arthur Ancheta.

Ngunit pagdating umano nila sa bahay nito ay agad na nakatunog si Ancheta at mabilis na nanlaban umano kasama ang manugang na nakilalang si Allan Chico habang armado ng tig-isang hindi pa nalalamang kalibre ng baril.

Doon na umano sila pinaputukan ng mga alagad ng batas na agad nilang ikinasawi.

Ngunit iba naman ang bersiyon ng mga kaanak at mga kapitbahay nina Ancheta sa pangyayari. Ayon sa kinakasama si Chico na si Eriel Kate Ancheta, na anak naman ni Arthur ay nasa hindi bababa sa 19 na katao umano ang nasa kanilang bahay sa ikalawang palapag, siyam umano sa mga ito ang mga bata.

Bigla na lamang umanong dumating ang nasa hindi bababa sa 14 mga kalalakihang armado ng mga baril na aniya ay mga pulis at ang iba ay maskarado umano.

Pilit umanong binuksan ng mga ito ang kanilang pintuan sa ikalawang palapag kung saan naroroon silang lahat maging ang mga nasawi.

Dahil mga armado ay pinigilan nilang mabuksan ang nasabing pintuan hanggang sa mawasak.

Doon na umano nakapasok ang mga pulis at bigla umanong pinagbabaril sina Ancheta at Chico.