Abante Tonite Interactive

Dahil sa tsismis, misis kinatay

2,092

Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang isang lalaki matapos pagsasaksakin nang 18 beses ang kanyang asawa at idinamay pati ang biyenang babae dahil sa matinding selos, Biyernes ng gabi sa Dinalupihan, Bataan.

Tumakas ang suspek na si Rocel Dakila makaraang patayin ang misis na si Joy, 32-­anyos, at biyenan na si Betty Adriano, 51-anyos, sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. San Simon.

Ayon kay Supt. ­Eduardo Guevarra Jr., hepe ng Dinalupihan Police, nangyari ang pamamaslang bandang alas-10:00 ng gabi matapos na makipag-inuman ang suspek at umuwing lasing sa kanilang bahay.

Nasaksihan ­umano ng isa nilang anak ang ginawa ng ama sa ­kanyang ina at agad nagsumbong sa kanyang lola.

Pumunta ang biye­nang babae sa bahay nila pero ito naman ang pinagbalingan ng galit ng suspek na hinampas nito ng malaking sangkalan sa ulo.

Nabatid na bago naganap ang krimen ay minumura na ng ­suspek ang asawa habang nakikipag-inuman sa kanilang lugar. Naga­lit umano ang ito dahil may kumakalat na ­tsismis tungkol sa kanyang misis.

Pagkatapos patayin ang asawa at biyenan ay mabilis din na tumakas ang suspek sakay ng isang tricycle.

Mula sa kanilang lugar sa Dinalupihan ay nakarating sa Flori­dablanca, Pampanga ang suspek dahil natagpuan sa nasabing bayan ang tricycle na ginamit nito sa pagtakas.
Nagsasagawa nga­yon ng manhunt ope­ration ang mga pulis para mahuli ang ­suspek.